|           Nicanor            G. TiongsonMay            bagyo ma't may rilim*
Marahil ay manhid            lamang ang hindi nakadarama ng krisis na bumabatbat sa lipunang Pilipino            ngayon. Lumalao'y sumasama, ika nga, wala pa ring katatagan o pagkakaisa            ang bansa. Mula noong 1986, nakaapat na administrasyon na ang bansa            ngunit patuloy pa ring binabagbag ang gobyerno ng nagtutunggaliang ideolohiya            mula kanan hanggang kaliwa. Naghahari pa rin ang mga pulitikong wala            nang inisip kundi magpatambok ng bulsa habang isinusulong ang kanilang            ambisyong pampulitika. Salamat sa panahon ng Diktadura, naging institusyon            na ang lagayan sa mga opisina ng pamahalaan - pambansa man o pambayan.            Maraming huwes ang nabibili at maraming opisyales na naatasang maglinis            sa gobyerno ang nagbabantay-salakay sa sinesekwester. Dinudukot pa rin            at sina-salvage ng ilang militar ang mga taong nagtatanggol sa mga karapatang            pantao. Isinisigaw ng mga diyaryo araw-araw ang mga pagkidnap, pag-ambus,            asasinasyon at pagbomba.
 At kung nakapanlulumo            ang pulitika ay lalo pa ang ekonomiya. Hangin pa rin sa tiyan ang pinagmamalaking            kaunlaran at kabuhayan. Anuman ang sabihin ng diyaryo, di na mapigil            ang pagtaas ng gasolina at bilihin, habang bumababa ang halaga ng piso            at ang kalidad ng ating binibili. Kahit tapos sa kolehiyo ay nahihirapang            humanap ng trabaho, at makahanap man ay wala rin namang napapala sa            naturingan-pang suweldo. Nagdadagsaan ang libo-libong Pilipino sa Gitnang            Silangan, Europa at Asya para maging "construction worker"            at katulong o para maglako ng aliw. Nitong nakaraang digmaan sa Iraq,            may mga manggagawang Pilipinong mas gusto pang ipagbakasakali ang kanilang            buhay sa gitna ng bombahan kaysa mamatay nang dilat ang mata sa sariling            bayan. May ilang yumayaman sa walang-habas na pagputol ng ating mga            puno, samantalang ang maraming magsasaka'y nasisiraan ng ani dahil walang            tubig para sa irigasyon. May ilang kumakabig ng milyun-milyong piso            para sa pag-eeksport ng mga nahuhuli sa ating karagatan, kung kaya't            tayo ang nauubusan ng yamang-dagat. Napakadali sa mga iilan ang magpalobo            ng tiyan, samantalang ang karamihang kumakapit sa patalim para mabuhay            ay humpak pa rin ang pisngi at pag-asa. Naglipana ang pulubi at baliw,            at marami ang nakatira sa ilalim ng tulay o sa bundok ng basura.
 Wala rin namang            pinagkaiba ang serbisyong panlipunan. Kailangang mamitig ang binti o            makipagbuno ang karaniwang empleyado para makasakay. Maya't maya ay            walang ilaw, madalas ay walang tubig. Nakatutulig ang ingay sa lansangan            man o subdibisyon, at halos di ka makahinga sa usok ng mga sasakyan            at alikabok ng daan. Dumami ang mandurukot at holdaper na nanloloob            sa daan, bahay at sasakyan. Marami sa mga kabataan ay nalululong sa            droga at pumapatay nang walang awa, ngunit di naman masugpo ang droga            dahil protektado ng matataas na militar. Walang pasubali ang paggagad            ng mga kabataan sa kulturang dayuhan na napupulot sa mga pelikula at            programa sa radyo at telebisyon na angkat mula sa Kanluran. Sa halip            na ilapit ang estudyante sa kanyang lipunan, pinalalawak pa ng edukasyong            Kanluranin ang guwang sa pagitan ng mag-aaral at ng kababayang dapat            niyang unawain at paglingkuran. Maraming intelektuwal na makabayan ang            sumusulat at nagsasalita sa wikang Ingles na di masakyan at di ginagamit            ng masang Pilipino.
 Sa kabutihang-palad,            marami na ngayong mga mulat at sensitibong mamamayan na nagmamalasakit            sa bayan, ngunit kahit ang mga ito'y natitigilan o nahihintakutan sa            laki, lawak at lalim ng problema ng bansa. Ano nga naman ang magagawa            tungkol sa utang na bilyon-bilyong dolyar, sa korapsiyon sa gobyerno            at terorismo, ng isang Grade IV titser sa isang mahirap na eskwelahan            sa Ormoc o isang nanay na alipin ng lampin at kaldero, o akawntant kaya            na tatlong kahig isang tuka, o isang bagong gradweyt ng KAL sa UP?
 Tila wala nga kung            patuloy nating iisipin na ang mga problemang ito ay suliraning likha            lamang ng sistema o gawa ng mga taong traydor sa bayan, mga suliraning            hindi naman natin kinasasangkutan at maaaring kasangkutan. Sa ganitong            pananaw, talaga ngang walang magagawa ang karaniwang mamamayang walang            posisyon o kapangyarihan kundi magsawalang-kibo na lamang, mangibang            bayan -- o magpatiwakal.
 Ngunit tila hindi            ganoon ang katotohanan. Aminin man natin o hindi, ang anumang krisis            ng bayan ay mauugat sa mga mamamayan. Sapagkat ang pamahalaan at kabuhayan            ng isang bansa ay gusaling sintibay o sinrupok lamang ng mga indibidwal            na mamamayang siyang tunay na bato, buhangin at bakal ng mga gusaling            ito. Kaya naman, hindi sapat na puntiryahin natin si gayo't ganitong            opisyal ng gobyerno na korap o inkompetent, at isisi ang taas ng bilihin            sa mga mamumuhunang nagsasamantala, pagkat hindi rin naman magkakagayon            ang mga taong ito kung ayaw natin. Walang magsasamantala, kung walang            magpapasamantala.
 Malinaw, kung gayon,            na ang dapat pagtuunan ng pansin ay ang dimensiyong personal at kultural            ng ating mga suliraning panlipunan, sa partikular ang sistema ng paghahalaga            o system of values at ang pananaw na laganap sa ating kultura, na sa            ganang ami'y siyang pangunahing hadlang sa pagkakaroon ng tunay na pagkakaisa,            kaunlaran at kapayapaan. Marami ang dayagnosis na binibigay ang mga            sosyologo at sikologo, pero anim na kaisipan ang maituturo bilang pinakanegatibong            mentalidad nating mga Pilipino sa kasalukuyan: (1) ang kaisipang "Kami-kami";            (2) ang kaisipang "Tayo-tayo"; (3) ang kaisipang "Kumapit            sa Malakas"; (4) ang ang kaisipang "Puwede na 'Yan";            (5) ang kaisipang "Kwela ang Bongga"; at (6) ang kaisipang            "Istetsayd Yata Yon."
 Suriin            ang Sarili
 Ayon sa kaisipang "Kami-kami" ang unang dapat pahalagahan            ng isang tao ay ang interes ng kanyang pamilya o kamag-anakan. Maganda            kunsabagay ang pagpapahalagang ito, pagkat ang pagtataguyod at katapatan            sa ating ina, ama, mga kapatid ay kapuri-puring katangian ng mga Pilipino.            Sa karamihan sa atin, pamilya ang ating takbuhan sa anumang krisis sa            buhay -- kapag tayo'y nagkakasakit, nagigipit sa pera, o nakikipag-away            sa asawa. Pamilya ang ating sandalang mas matibay kaysa anupamang bangko            o simbahan. At ito'y di katakataka, pagkat totoong hangal ang umasa            sa gobyernong walang malasakit sa taumbayan.
 Sa kasamaang-palad,            madalas na ang interes ng pamilya at sarili na lamang ang nagiging gabay            ng ating mga gagawin kung kaya't wala na halos keber ang Pilipino sa            kapakanan ng kanyang kapwa. Marami ang nakapupuna na ang Pilipino ay            napakalinis sa kanyang pamamahay. Pero oras na siya'y lumabas sa kanyang            bakuran ay naroong magkalat siya sa lansangan ng balat ng saging o balot            ng kendi o bote ng sopdrink. Maingat siya sa pagtatapon ng layak sa            basurahan sa loob ng kanyang bakuran, pero itatambak naman niya nang            walang pakundangan ang basurang iyon sa kanal, estero o ilog o sa tabi            ng bakod ng kanyang kapitbahay.
 Ito rin ang mentalidad            na nagbubunsod sa ating "isahan" ang di natin kamag-anak --            sa pagdaraya ng timbangan, sa pagsingit sa linya sa sasakyan, klinika            o groseri, at sa pag-uunahang makalusot sa mga interseksiyon. Bunga            rin ng mentalidad na ito ang isip-alimango na ayaw magpalamang sa "ibang            tao". Kilalang-kilala ang maraming Pilipino sa pagiging mainggitin            at sinisiraan nila at hinahatak pababa ang sinumang makita nilang umaakyat            sa buhay o propesyon. Tsismis at paninirang-puri ang sandata ng ayaw            malamangan.
 At dahil pinakamahalaga            ang pamilya, gagawin ng isang ina o ama ang lahat para maibigay sa anak            ang inaakala nilang pinakamahusay na damit, edukasyon, gamit. Nariyang            "lakarin" ang anak para mapasok sa isang paaralan kahit na            malinaw sa entrans eksam na hindi kaya ng bata na mag-aral sa gayong            eskwelahan. Nariyang pagtakpan o kunsitihin ang bunsong nambugbog ng            isang basta nakursunadahan.
 Sabihin pa bang            salot sa lipunan ang ganitong mentalidad. Ang kawalan ng pakialam sa            kapwa ang dahilan kung bakit nakakalbo ang ating mga bundok at tuluyan            nang nawawalan ng tubig ang ating mga dam at palayan; kung bakit nagkakabuhol-buhol            ang trapik, nagbabara ang mga kanal at namamatay ang mga ilog; kung            bakit nagagawa ng mga opisyal ng gobyerno ang pangungurakot sa kaban            ng bayan; at kung bakit nagiging opisyal sa gobyerno ang mangungurakot.            Ito ang dahilan kung bakit nakapagkamal ng kapangyarihan at kayamanan            ang diktador at kauri niya at kanyang mga galamay.
 Ang kaisipang "Tayo-tayo"            ay kamag-anak ng kaisipang "Kami-kami", pero ang binibigyang            halaga nito ay ang rehiyonalismo, o ang pagkiling sa mga taong galing            sa baryo o bayang ating tinubuan o sa rehiyong ating kinalakhan. Dahil            sa kaisipang ito, agad nating pinagkakatiwalaan ang isang tao dahil            pareho tayong Ilocano o Cebuano.
 Hindi masama ang            magpahalaga sa kapakanan o kalinangan ng ating bayang tinubuan. Sa katunayan,            ang kasaysayan ng bansa ay maraming halimbawa ng kabutihang maaaring            ibunga ng ganitong uri ng patriotismo. Kung hindi sa katutubong relihiyon            ng Bohol ay hindi sana nahikayat ni Tamblot na mag-alsa noong 1622 ang            mga taumbayan laban sa mabigat na buwis na ipinataw ng mga Kastila.            Pagmamahal din sa kanyang bayan sa Panay ang naging dahilan ng pag-aaklas            ni Tapar noong 1663.
 Ngunit ang makitid            na pagmamahal ding ito sa iba't ibang lugar na ating pinanggalingan            ang pinagsamantalahan ng kolonisador. Natuwa ang mga Kastila sa ating            walang-katapusang pag-iiringan. Lumakas sila sa ating pagbabangayan.            Sa Samar, ang pag-aalsa ni Sumuroy noong 1649 ay pinasugpo sa mga Lutao            ng Zamboanga. Sa Bohol, ang rebelyon ni Tamblot ay pinuksa ng mga Pampango            at Cebuano. Kaya naman noong 1890, sinabi ni Rizal na isa sa mga pangunahing            dahilan kung bakit walang kaunlaran sa Pilipinas ay ang kawalan ng mga            katutubo ng kamalayang maaaring magbuklod sa kanila sa iba pang mga            katutubong inaapi rin ng Espanya. Mula noong panahon ni Rizal hanggang            ngayon ay tila lumala pang lalo ang rehiyonalismo, at umabot ito sa            sukdulan sa panahon ng Batas Militar nang gamitin ng diktadura ang Ilocanismo            para mapanghawakan nito ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.
 Sabihin pa bang            sa panahon natin ngayong hinihiklas ng nagtutunggaliang mga interes            ang bayan, hindi maisasagawa ang rehabilitasyong pampulitika at pang-ekonomiya            kung di magtutulungan ang iba't ibang rehiyon at grupong etnolingguwistiko            ng bansa. Sa panahon natin, ang rehiyonalismo ay isa nang anakronismo.
 Ayon sa kaisipang            "Kumapit sa Malakas", ang kailangang hanapin ng tao para mabuhay            ay ang taong makakapitan niya sa kanyang mga pangangailangan. Kung tutuusi'y            madaling maunawaan kung bakit umusbong ang ganitong kaisipan. Bago pa            man dumating ang mga Kastila'y umaasa na tayo sa pinakamalakas na datu            sa tribo. Sa panahon ng Kastila, at dahil sa bulok na pamamahala ng            mga ito, nakita natin na wala namang mangyayari sa ating mga hinaing            kung ang aasahan din lamang ay ang katuwiran o sarili at tapat na pagpupunyagi.            Natuto tayong lumapit sa malakas. At kung wala tayong kilalang malakas            na tao ay humahanap tayo ng kamag-anak o kakilala ng kamag-anak na maaaring            may kilalang kakindatan naman ng taong malakas. At kung may kaaway tayo            na malakas, humahanap din tayo ng kasukat na suklob nito para mapangalagaan            ang ating interes. Sa gayon, nabuo ang napakasalimuot na sistema ng            palakasan sa ating lipunan.
 Dahil dito, di            tayo magkandatuto sa pagkakabit ng kung anu-anong titulo na "panghimas"            sa mga taong malakas o may koneksiyon -- si gobernor, konsehal, atorni,            o doktor, o si dating gobernor, sekretaryo, etc. Dahil dito, tinanggap            na ng lipunan na ang Pilipino ay dapat maging awtoritaryan, at nabuo            na rin sa isip ng marami sa ating mga pinuno na tama lamang na gamitin            niya ang kanyang posisyon para mapaunlakan ang kahilingan ng mga kumakapit            sa kanya, at karapat-dapat lamang na ibigay ng mga ito ang anumang hilingin            niya -- gamot man ito o lason para sa bansa. Dahil dito, naghahalal            tayo ng mga opisyal sa gobyerno, hindi dahil sa kanilang talino o kabutihang-loob            o katapatan sa bayan kundi dahil may maaasahan tayo sa kanya o malalapitan            natin siya kung mayroon tayong personal na suliranin. Magugulat pa ba            tayo kung umabuso ang ating mga opisyal, samantalang tayo mismo ang            kumukunsinti sa kanila at nag-uudyok na maglabis sa tungkulin.
 Ayon sa kaisipang            "Puwede na 'Yan," hindi na kailangang paghirapan pa ng tao            ang pagpapabuti sa kaniyang ginagawa o ang pagpapahusay o pagpapakinis            sa kanyang trabaho -- maging ito'y sa eskwelahan o opisina, sa gobyerno            man o pribadong sektor. "Maski paps" o maski papaano na lang            ay pwede na -- tutal hindi naman nagreresitesyon palagi, tutal di naman            mapapansin ng amo ko sa opisina, tutal mababa naman ang suweldo ko,            tutal maliit naman ang pagbibilhan ko nito.
 Dahil sa pananaw            na ito, pinalulusot na natin ang mga term paper na binubuo ng pinagtagpi-tagping            sipi na kinopya nang walang atribusyon mula sa internet at sa iba't            ibang libro, o pinapasa na lamang ang disertasyong ang kalidad ay mababa            pa sa undergrad. Dahil sa pananaw na ito, naglaho na ang rikit ng mga            takang kalabaw at dalaga na pinintahan ng buong tiyaga, ingat at pagmamahal            at nawala na ring tuluyan ang mabubusising disenyo at samutsaring kulay            ng dyipni at kariton ng sorbetes. Naparam ang pagmamalasakit sa kahusayan            at kariktan, at namayani ang tinatawag nating kultura ng karaniwan at            kahit-paano-na-lang o ang "culture of mediocrity." Madali            kung sa madaling maintindihan kung bakit palasak ang ganitong aktitud            sa Pilipino, dahil kalimita'y hindi sapat ang kompensasyong natatanggap            niya sa kanyang trabaho. Pero madali rin namang maunawaan kung gaano            kapanganib ang ganitong pananaw para sa bayan. Paano kung ito ang maging            pananaw ng lahat ng Pilipino mula sa pinakamababa hanggang pinakamataas?            Paano kung sabihin ng titser na puwede na kahit padaskul-daskol ang            kanyang pagtuturo dahil iyon lang naman ang katumbas ng sahod niya?            Paano kung sabihin ng doktor na hindi na lang niya pagbubutihin ang            operasyon sa bato dahil taga-charity ward lang naman ang inoopera? Paano            kung sabihin ng huwes na hindi na lang niya pag-aaralan ang kaso ng            isang masaker dahil wala namang mapapakinabang sa pamilyang magsasaka            ng mga namasaker?
 Alam nating lahat            kung gaano kahalaga ang karampatang gantimpala para mabigyan ng tamang            inisyatiba ang tao para magtrabaho nang mahusay. Pero kung hihintayin            pa nating tumaas ang sahod nating lahat bago natin paghusayin ang ating            gawain ay bababa na nang husto ang kalidad ng pag-iisip, pag-uugali,            at pangangatawan ng Pilipino, ang batas at kaayusan, ang mga produkto            at serbisyo. Babagsak na rin ang ating kabuhayan, pamahalaan at pangkalahatang            lipunan.
 Sa kaisipang "Kwela            ang Bongga," ang mahalaga ay ang nakikita ng tao sa labas, ang            golpe-de-gulat, ang sosyal. Dahil sa kaisipang ito, pinahahalagahan            natin ang mga usong pantalon, baro, sapatos, handbag; ang modang buhok,            ang magandang mukha, ang bagong sasakyan. Nagtitilian ang ating mga            kabanata sa mga cute na mga teen-age idols sa TV kahit na ang karamihan            dito'y dalawa ang kaliwang paa at ang boses ay pambanyo lamang. Ang            hinahanap na aliwan ng karamihan ay mga pantasya sa komiks at magasin,            ang drama sa radyo at bakbakan sa pelikula. Ang nwes sa TV ay naging            entertainment na. Nagkukumahog tayong umuwi sa gabi para malaman kung            magkakabati na muli sina Yuri at Kat, kung ano ang gagawin ni Boris            matapos sabihin sa kanya ni Morgana na pakakasalan ni Dimitri si Lorea.            Nagkakandabaon tayo sa utang at nagsasangla pa ng ari-arian para makapaghanda            ng napakaraming ulam at makapag-ayos ng bahay kung pista ng baryo o            binyag, debut, bertdey, kasal ng ating mga anak. Naniniwala tayo na            mabait ang isang tao dahil marunong magmano o mamupo sa matanda, na            makamasa ang isang Presidente dahil may pabahay siya sa "mahihrap,"            na kaibigan ang Amerikano dahil sila ang nag-"liberate" sa            atin, na may kalayaan ang bansa dahil may selebrasyon naman tuwing a            dose ng Hunyo.
 Sabihin pa bang            napakabigat ng implikasyon ng ganitong kababawan ng pag-iisip sa ating            lipunan. Dahil sa pakitang-tao ay napipilitan tayong magwaldas ng hindi            naman natin kaya. Dahil ang pananaw natin ay hanggang damit o balat            na lamang, hindi nating masilip ang ginto sa loob ng isang tao at superpisyal            ang tingin natin sa mga pangyayari at kaligiran. Naghahalal tayo ng            tao sa gobyerno dahil paborito natin siyang artista o simpatiko siya            o dahil tila mabait naman siya pagkat "inaabutan" tayo kapag            siya'y nangangampanya noon. Nararahuyo tayo noon sa rebeldeng militar            dahil maganda siyang lalaki at matsong-matso ang dating. Kahit na napakalaki            ng ginawang pinsala sa bansa ng kanyang mga kudeta ay inihalal pa rin            natin siya bilang senador.
 Ayon sa kaisipang            "Isteytsayd Yata Yon," ang kanluranin ay superyor sa katutubo,            ang maputi ay mas maganda kaysa kayumanggi, ang Amerikano ay mas mahusay            sa Pilipino. Ang kaisipang kolonyal ay nag-uugat sa panahon ng Kastila            nang tayo'y bininyagang "Indio" at nilibak bilang urong at            pangit na lahi, mga isip-bata na kung may buntot lamang ay maaari nang            maglambitin sa puno. Lumala pa ang kaisipang ito sa ilalim ng mga Amerikano            nang bumaha sa bansa ang kulturang Amerikanisado, na nagsasabing di            tayo sibilisado kung hindi tayo marunong mag-Ingles, hindi natin kilala            si Shakespeare at T.S. Eliot, hindi tayo marunong mag-Amerikana o bestido,            hindi tayo kalahi ng mga Elizabeth Taylor at Gwyneth Paltrow, at wala            tayong bunggalow, kotse, radyo, telebisyon at washing machine. Maliwanag            na namamayagpag pa rin ang kaisipang kolonyal ngayon. Ang mga artistang            Pilipinong kinalolokohan natin ay ang mga tisoy at tisay. Gayon din            ang mga itinatanghal nating beauty queen. Ang hinahanap natin ay Levis            na galing sa Amerika (kahit hindi ito sukat sa katawan ng Pilipino)            at hindi gawa sa Batangas o sa Bangkok lamang. Ang airwaves ay pinaghaharian            ng American top hits, samantalang sa telebisyon ay seryeng de-lata ng            Kano at Mehikano ang kinahuhumalingan o ginagaya natin. Sa media at            edukasyon ay patuloy ang pag-iral ng Ingles, na isa sa pangunahing dahilan            kung bakit hindi maabot ng masang Pilipino ang mga artikulong mapanuri            at kritikal. Ingles din ang nagpapanatili sa guwang sa pagitan ng naghahari            at pinaghaharian. Sa larangan ng pulitika, ang kaisipang kolonyal ang            dahilan kung bakit nagpapatumpik-tumpik noon ang marami tungkol sa pagpapaalis            ng mga base militar, at kung bakit ang presidente ng Pilipinas ay natataranta            sa pagsuporta sa US sa Iraq War.
 Daan-daang taon            na ang kaisipang ito sa ating bayan at ito ang isa sa mga pangunahing            balakid sa ating pagiging tunay na bansang malaya. Wumawagayway nga            sa mga tagdan ng mga paaralan at opisina ng gobyerno ang ating bandila            pero nakatanghod pa rin tayo sa isang higit na malakas na bansa na ang            interes na pinaglilingkuran ay hindi naman ang kapakanan ng Sambayanang            Pilipino.
 Ang Sakit            ng Kalingkingan
 Malubha nga kung            sa malubha ang kanser ng lipunan ngayon. Ngunit kailangan pa bang masangkot            sa mga suliraning ito? Bakit di na lang tayo manahimik? Sa ayaw natin            o sa gusto, ang ating kasalukuyan at hinaharap, ang ating mga buhay            at hanapbuhay, at pati na ang ating mga pangarap para sa ating sarili,            pamilya at angkan--ang lahat ng ito ay apektado ng nangyayari at mangyayari            sa ating lipunan. Ang ating kinabukasan ay nakakawing sa kinabukasan            ng bansa. Ang sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan.
 Pero ano ang ating            magagawa para makatulong sa pagbabanyuhay ng ating lipunan? Una, iwaksi            ang kaisipang "Kami-Kami" at isaalang-alang na kapwa rin natin            ang hindi natin kamag-anak. Buhayin ang tunay na pakikipagkapwa-tao,            isang matandang pagpapahalaga ng mga Pilipino, na nakabatay sa paggalang            sa karapatan ng iba. Alisin ang kaisipang "isahan" at puksain            ang isip alimango at inggitan sa bahay, eskwelahan o pamahalaan. Mahalin            ang mga kapatid, anak, at kamag-anak pero huwag magpadala sa bulag na            pagmamahal na kumukunsunti sa masamang gawain. Ituro sa anak ang paggalang            sa kapwa-tao, pagkat ang lapastangan ay lalapastanganin rin. Matuwa,            huwag mainggit sa tagumpay ng iba, at magpursigi para magtagumpay din            sa mabuting gawain.
 Pangalawa, paunlarin            natin ang mga rehiyon ngunit wakasan na ang rehiyonalismo. Kailangang            malinang ang likas na yaman at kultura ng ating mga baryo, bayan at            lalawigan, pero isanib at ipailalim natin ang mga ito sa kapakanan ng            buong sangkapuluan. Naniniwala kami sa desentralisasyon ng pamahalaan,            pagkat ito marahil ang makapagrerenda sa mga abuso ng lokal na opisyal.            Ito rin ang makapagbibigay ng insentibo sa mga lalawigan para mapabilis            ang pagpapaunlad ng kanilang kabuhayang masyadong natali sa gobyerno            sentral sa Maynila sa napakatagal nang panahon. Sa larangan ng kultura,            pasiglahin natin ang mga sining na rehiyonal sa Cebuano, Iloko, Ilongo,            Waray, Bikol at iba pang wika, sa mga grupong minoridad, sapagkat ang            mga ito ang magiging buto at laman ng kulturang pambansa.
 Gayunman, ang paglinang            sa yaman ng mga rehiyon ay hindi dapat magdulo sa rehiyonalismo. Kailangang            ituon natin ang ating mga pananaw di lamang sa interes ng ating rehiyon            kundi sa kapakanan ng buong bansa. Kaugnay nito, dapat igalang natin            ang iilang mga simbolo ng ating bansa tulad ng awit na pambansa, at            huwag sansalain ang paglaganap at paglakas ng iisang lingua franca na            magsisilbing tulay na mag-uugnay sa iba't ibang rehiyon at interes ng            sangkapuluan.
 Pangatlo, buwagin            ang sistema ng palakasan. Ito ang isa sa mga masasamang kaugalian nating            mga Pilipino. Higit pa rito, huwag nating ihalal ang opisyal na gumagamit            ng sistemang ito, at huwag tayong laging umasa na lamang sa taong malalapitan            o makakapitan. Sa halip nito, magbuo tayo ng ibang uri ng lakas, iyong            lakas na nanggagaling hindi sa itaas o sa sentro, kundi sa ibaba, sa            pakikiisa sa kapwa, sa pag-oorganisa, sa paggawa ng hakbang bilang nagkakaisang            pangkat na hindi maaaring balewalain ng mga nasa poder. Tandaan natin            na kaya naghari ang diktadura noon ay dahil na rin sa ating pagpapabaya            at sa ating pagkunsinti sa taong "malakas." Pero tandaan din            natin na napabagsak lamang ang diktador nang magkaisa ang taumbayan            at nang magsanib ang iba't ibang sektor at uri sa EDSA noong 1986. Huwag            umasa kay Malakas, sa sinumang malakas. Bumuo ng sarili nating kapangyarihan            ng nagkakaisang mamamayan. Sa gayo'y masasawata natin ang pangungurakot            ng nasa poder, ang pananakot ng sandatahan, ang pagyurak sa karapatang            pantao.
 Pang-apat, saan            man tayo naroroon, sinupin at pakinisin natin ang ating gawain. Sa bahay            ay maging mabuting ina, ama, anak. Sa paaralan ay maging mahusay na            guro, estudyante at mananaliksik. Sa pamahalaan ay maging malinis at            epektibong senador, konggresista, gobernador, meyor, konsehal, sekretaryo.            Sa propesyon ay maging mahusay na arkitekto, doktor, abugado, inhinyero,            karpintero, latero, kantero, elektrisyan. Sa larangan ng sining ay maging            mahusay na pintor, iskultor, musikero, aktor, direktor, dibuhista, manunulat,            TV host, radio commentator.
 Huwag magpadala            sa awa-sa-sarili dahil sa liit ng kikitain. Gawin natin ang ating trabaho            hindi ayon sa ating kikitain kundi ayon sa pamantayang itinakda natin            para sa ating sarili. Tandaan na ang taong may mataas na pamantayan            para sa kanyang gawain ay taong may galang sa sarili, at ang gayong            tao ay hindi papayag sa padaskul-daskol na trabaho ng sinuman -- maging            siya'y pangulo ng bansa, o meyor ng isang maliit na bayan, sekretaryo            ng edukasyon o guro ng isang paaralang elementarya. Ang pagsunod sa            mataas na pamantayan ay magdudulo sa propesyunalisasyon, at ang propesyunalisasyon            ang isa sa mga batayan ng tunay at epektibong demokrasya.
 Sa kasalukuyan,            ang akademya na lamang marahil, partikular ang UP, ang isa sa natitirang            institusyon na naninindigan pa rin para sa mataas na pamantayan ng pagtuturo            at ng pananaliksik, para sa excellence o kagalingan. Kung kaya naman            napakalaki ng responsibilidad ng ating mga guro at estudyante na, kahit            ano pa man ang gawin ng mga hunghang na pulitiko sa ating badyet, ay            hindi natin ikokompromiso o ipapariwara ang ating integridad. Singkahulugan            ng integridad na iyan ang masusi at matiyagang pananaliksik, ang maayos            at matalisik na pagtuturo, ang matiyagang paggabay sa lahat ng antas            ng mga mag-aaral, at higit sa lahat, ang walang-puknat at walang-sawang            pagsusumikap. Tulad ng laging siansabi ng isa sa ginagalang kong guro            sa UP, si Prop. Teodoro Agoncillo, "there is no such thing as genius.            Genius is 95 percent perspiration and 5 percent inspiration."
 Panlima, linangin            ang pag-iisip na kritikal. Huwag padala sa sinabi lamang ng awtoridad            o matanda. Huwag tayong masilaw sa pakitang-tao o magandang mukha o            biste. Huwag basta marahuyo sa mga panga-pangako, lalo na ng mga pulitiko.            Ang paglinang sa kaisipang kritikal ay kailangang magsimula sa bahay,            sa pagpapalaki ng anak. Nakagawian na ng maraming magulang ang maging            mumunting diktador sa kanilang pamamahay. "Ang bata ay di dapat            sumagot kundi sumunod lamang." Totoo ito lalo na kung di sapat            ang pag-iisip at kaalaman ng bata. Pero kung ang bata ay nagsisimula            nang magtanong, sana naman ay hayaan itong gumamit ng sariling katuwiran.            Huwag sansalain ang kanyang sinasabi dahil lamang sa siya'y bata, pagkat            alam natin na maaaring tama ang sinasabi ng bata. Gayundin, sa mga paarala'y            dapat nang iwaksi ang tinatawag na "banking method" -- yaong            pagtuturo na dinidikta lamang ng titser ang lahat ng datos na puspusan            namang itinatala ng estudyante sa kanyang notbuk, at pagkaraa'y kakabisahin            o igagawa ng kodigo at pagkatapos ay ibabalik nang buong-buo at di pinag-isipan            sa guro para makakuha ng mataas na grado. Lumaki tayong lahat sa pagiging            kabisote pero hindi tao o mamamayan ang ibubunga ng ganitong sistema            kundi loro o asong turo. Higit pa kaysa pagbibigay ng datos sa bata,            ang matayog at tunay na layunin ng edukasyon ay turuang magsuri at mag-analisa            ang bata para malaman niya kung paano haharapin ang lipunang kanyang            kinabibilangan. Maaaring hindi niya matandaan sa kanyang pagtatapos            kung anu-ano ang mga taon ng paghihimagsik ni Dagohoy o Tamblot, pero            kung naiintindihan niya kung bakit nag-alsa ang mga ito laban sa Kastila            ay malaki nang tubo sa puhunang pagod ng sinumang guro.
 Pang-anim, hunusin            na ang kaisipang maka-banyaga at itaguyod ang kamalayang Pilipino. Dapat            gumawa ng kongkretong hakbang ang ating pamahalaan para ilimita ang            pagpasok ng banyagang pelikula, programa sa telebisyon at mga awitin            sa radyo, at paramihin ang mga pelikula, palabas sa telebisyon at mga            awiting gawa ng Pilipino para maprotektahan ang ating mga artista. Dapat            ipagbawal ang mga patalastas na gumagamit ng modelong puti at ipinangangalandakan            ang "stateside quality". Sa kabilang banda, dapat na isakatuparan            ang Pilipinisasyon ng buong sistema ng edukasyon, dapat ituro sa mga            bata ang kasaysayan at kulturang Pilipino sa punto-de-bista ng katutubong            Pilipino, dapat gamitin ang Filipino at mga katutubong wika bilang wika            ng pagsulat at pakikipagtalastasan. Gayundin, alamin natin ang mga produktong            Pilipino na may mataas na uri at ating bilhin ang mga ito para mabuhay            at yumabong ang kapital na Pilipino.
 Higit sa lahat,            puksain natin ang ugat ng kaisipang banyaga--ang kaisipang nangmamata            sa lahi at kulturang Pinoy. Tulad nina Doña Victorina at Doña            Consolacion, ang ating pagsamba sa kulturang Kanluranin ay kaakibat            ng ating paghamak sa katutubo nating kalinangan. Ito ang pinanggalingan            ng "Pinoy-bashing" na nagsasabing ang Pinoy nga raw ay likas            na mababa ang uri at panlasa, korap at walang prinsipyo, makasarili            at walang malasakit sa bayan. Dagdag pa nila, "the Filipino is            eminently negotiable."
 Malinaw na rasista            ang ganitong mga pang-uuyam at rasista din ang mga Pilipinong naniniwala            sa ganitong akusasyon. Pagkat ano nga ba ang kinalaman sa lahi ng mga            katangiang ito? Kung may Pilipinong mababaw ang kaligayahan, meron din            namang malalim ang pag-iisip at pag-unawa (tulad ng mga nasa harap ko            ngayon, sana). Kung may Pilipinong mukhang pera, may Pilipinong walang            katapat na presyo. Kung mayroong masyadong makasarili, mayroon din namang            handang mamatay dahil sa makabayang prinsipyo. Tulad ng rasismo sa alin            pa mang dako ng daigdig, ang anti-Pilipinismo ay konseptong ampaw.
 Kung wala sa lahi,            nasaan nga kaya ang problema? Sa aming palagay, ang suliranin ng marami            sa ating Pilipino ay, aminin man natin o hindi, nasa hindi natin pagtanggap            sa realidad ng ating pagiging Pilipino. Sa kaibuturan ng ating budhi            ay rasista ang marami sa atin at lumalabas ito kapag nagkakaroon tayo            ng pagkakataong makaalpas sa ating pagiging Pilipino. Narito ang isang            halimbawa. Nang kasalukuyang nagtuturo ako sa UC Berkeley noong taong            2001, nagkahuntahan kami ng isang sophomore na second-generation Filipino-American            (pinanganak na siya sa States pero ang magulang niya ay immigrants).            Anya, gustong-gusto raw niyang matutuhan ang kulturang Pilipino at lalo            na ang wikang Pilipino, pero kinagalitan siya ng kanyang magulang nang            malamang nag-enrol siya sa Tagalog. Sabi raw ng ina niya, "You            are wasting your time. Why do you want to learn Tagalog? The point is            to speak English without an accent." Ang mahalaga, ayon sa ina,            ay maging bahagi ng American mainstream ang kanyang anak at mangyayari            ito kapag hindi na napupuna, pagkat nabura na, ang pagiging Pilipino            niya. Pero ang ironiya ng sitwasyon ay ito: hindi kailanman lubusang            matatanggap ng mga puting Amerikano ang ganitong Pilipino (gaano man            kahusay ang kanyang Ingles), hindi lamang dahil ang kulay at hitsura            niya ay hindi puti kundi lalo't higit, dahil ni hindi niya matanggap            ang kanyang sarili bilang Pilipino.
 At iyan nga marahil            ang una nating dapat gawin -- ang tumungo sa harap ng salamin at buong            taimtim na kilatisin ang kulay ng ating balat at ang tabas ng ating            mga mata, ilong, bibig at tenga, at tuklasin/tiyakin sa ating mga sarili            na tayo nga ay lahing Pilipino. Pangalawa, at mas mahalaga, unawain            natin na ang ating pagiging Pilipino ay hindi aksidente ng kasaysayan,            kundi manapa'y tadhana ng sansinukob. Ito'y tinakda sa atin tulad ng            ating magulang at mga kapatid, kamag-anakan at kaibigan, eskwela, kamag-aral            at guro, at iginawad sa atin ng kalikasan, tulad ng ating mga talento            marami man o kaunti, ng ating normal o may kapansanan na pangangatawan,            ng mga kondisyong kinapapalooban natin ngayon sa ibig man natin o hindi.            Sa katagang sabi, may dahilan ang ating pagiging Pilipino sa panahon            at lunang ito, at bahagi ng ating buhay ay dapat iukol sa pagtuklas            ng misyong kaakibat ng pagiging Pilipino natin. Hangga't hindi natin            ito hinaharap nang buong kamalayan, hindi tayo mapapakali at mabuway            ang ating magiging buhay. Subalit sa sandaling yakapin natin ang ating            identidad, lalago at mamumukadkad ang ating lahi at hahalimuyak sa buong            sansinukob ang henyo ng ating pagkaPilipino.
 Totoong malubha            ang sakit ng bayan ngayon at mahaba pa ang ating lalakbayin para makarating            sa minimithing kaunlaran ng bayan. Pero kung tayo'y patuloy na magpupunyagi            at magsisimula ng pagbabago ng ating mga sarili, sa ating pamamahay,            opisina, o paaralan, tayo at ang iba pa nating kapanalig ang makalilikha            ng isang bagong Pilipinas.
 Bilang pangwakas,            nais kong anyayahan kayong lahat -- mga minamahal kong estudyante, at            kasamang mga guro, mga ginagalang na panauhin, at kaibigang ginigiliw,            bigkasin po natin nang sabay-sabay, bilang panata sa ating Inang Bayan            ang sinaunang tulang nilimbag noong 1605, na nilapatan ko ng bagong            pangwakas na taludtod
 | 
No comments:
Post a Comment